Alcyone
By Seán Hewitt
Translated into Filipino by Rogelio Braga
Tumpak, isa nga iyong piskador, tila pinilas
mula sa matanda nang tela ng taon,
pumailanlang, walang salita ang nakasabay
sa kanyang paglipad, ang tilamsik ng tubig
ay inihagis na balaraw ng dakilang liwanag
na dumarating-at-lumilisan na halos
‘di naman talaga namalayan kung nariyan. Dito sa Sow Brook,
bisperas ng Bagong Taon. Lantad, makulimlim –
lumisan na ang adlaw, na di na mahihila pabalik,
at ito. Halos buong umaga
ang pagtangis ng aking sa ina sa pagligo
habang tangan ko ang kanyang kamay. Nakalublob
siya sa lalim ng pagdadalamhati, wala ang kanyang bana
para i-ahon siya mula sa paglubog. Mga gabi
ng ligalig; ang mga oras niya ay nauubos
sa paglilimayon sa tahahan ng paghimbing,
sa paghahanap sa mga silid na nililimliman ng liwanag ng lampara
mahanap lang ang mukha ng kanyang bana. Sa ibang mga taon
marahil ilulundag na ‘ko rito
mula sa paglipad ng ibong tila bughaw na dagitab
patungo kay Alcyone, na nabasag
sa kamatayan ng kanyang bana,
itinapon ang sarili sa dagat,
pero sinuklian, ng mga diyos,
nitong habag ng paglipad. Ngunit ngayon
malinaw na sa akin ang manhid na paghilom
ng daigdig—ang imahen,
itong lahat ng karikitan, nakahimpil sa diwa
ng alaalang unti-unting napaparam. Tumakas na ang mga salita
maliban sa mabilis na paglipad nitong ibon, tama,
tulad ng kidlat sa langit. Gumuhit
hanggang doon sa ‘di na naabot ng ating paningin, sa kay tamis
na tubig na nadarang sa kanyang pagdapo.